MANILA, Philippines — Muli na namang nakarekober ang mga mangingisda ng dalawang sako ng hinihinalang illegal drugs habang palutang-lutang sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Ang nasamsam na dalawang sako na naglalaman ng shabu ay may parehong uri ng packaging tulad ng nakumpiska sa Pangasinan at Bataan, na hinihinalang inanod roon.
Nabatid na nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng dalawang High-Speed Response
Boats (HSRBs) para magsagawa ng intensive maritime patrols, sanhi upang matagumpay na marekober ang karagdagan pang dalawang sako ng suspected shabu.
Ayon kay Capt. Mark Larsen Mariano, commander ng Coast Guard District Northwestern Luzon, masusi nang nakikipag-ugnayan ang PCG sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at iba pang government agencies, para sa imbestigasyon kung saan nagmula ang mga floating shabu.
Sinabi ng PDEA, sa kanilang ginawang pagtaya na umaabot sa P4.3 bilyong halaga ng floating shabu ang nalambat ng mga mangingisda sa Pangasinan sa loob lamang ng tatlong araw.
Ayon sa PCG at PDEA, noong Hunyo 5, nasa pitong sako ng hinihinalang shabu ang nakita ng mga mangingisda na palutang-lutang sa coastline ng Pangasinan at kaagad nila itong itinurn-over sa mga awtoridad.
Noong Hunyo 6 naman, nakadiskubre rin ang mangingisda ng 22 pang sako ng suspected shabu sa naturang lugar. Habang Hunyo 7, 13 sako pa ng suspected shabu ang narekober.
Ayon sa PCG, sa kabuuan, nasa 630 kilo ang suspected shabu na ang narekober.