Romero pasok sa No. 6 sa United States Polo Rankings


MANILA, Philippines — Muling gumawa ng kasaysayan si businessman Mikee Romero matapos umangat sa No. 6 spot sa United States Polo Rankings para sa April 2025.

Bukod pa rito ang pagsulong ni Romero sa No. 20 sa overall ranking ta­ngan ang 205 puntos kung saan kasama nito sa natu­rang puwesto si 10-goaler at 2024 US Open Champion Poroto Cambiaso sa January–May 2025 Winter Polo Season.

Pinangalanan ito ng World Polo Tour bilang No. 24 amateur polo player sa world para maging highest-ranked Southeast Asian player sa global circuit.

Nanguna sa April ran­kings sina world most dominant 10-goal professionals: Tomas Panelo sa No. 1, Juan Martín Nero sa No. 2, Adolfo Cambiaso sa No. 3, at Barto Castagnola sa No. 4.

Hindi lang si Romero ang gumagawa ng ingay.

Kasama rin si ‘Niki’ na pumuwesto sa America’s Best Polo Ponies.

Kinilala si Niki bilang No. 1 sa polo horse ranking sa Amerika.

Kasama nito sa top spot sina ‘Catwoman’ (Juan Martín Nero), ‘La Dolfina Binter’ at ‘La Dolfina Jetcost’ (Adolfo Cambiaso) at ‘Oriental Oklahoma’ (Tomas Panelo) na pare-parehong may perfect 30-point rating.

Malaking dahilan ng pag-angat ni Romero sa ranking ang impresibong kampanya nito sa 2025 Gauntlet of Polo — ang pinakamalaking series sa Amerika na binubuo ng C.V. Whitney Cup, USPA Gold Cup at US Open Polo Championship.

Kasama ni Romero ang GlobalPort Polo Team na sumabak sa Gauntlet.

Umabot ang tropa sa semifinals ng C.V. Whitney Cup at quarterfinals ng US Open.