Dear Dr. Love,
Napakasakit pala kapag ang umagaw sa iyong dyowa ay ang mismong itinurin mong best friend sa maraming taon.
Si Joan ay matalik kong kaibigan mula pa sa elementary at talagang mahal na mahal ko siya na parang tunay na kapatid.
Lahat ng puwede kong i-share sa kanya oras, malasakit at pagmamahal o materyal na mga bagay tulad ng damit, pabango, gamit sa school at iba pa ay ibinigay ko sa kanya dahil hindi lingid sa akin na walang sapat na kakayahan ang kanyang pamilya para matugunan ang mga ito. Dahil talagang salat sila sa maraming bagay.
Nang magka-dyowa ako, naguwapuhan si Joan at walang pagdadalawang-isip niyang sinabi sa harapan ko na crush niya ito.
Pero tahasan ko siyang sinabihan na maisi-share ko sa kanya ang maraming bagay na magustuhan niya, maliban ang lalaking mahal ko.
Lumipas ang maraming araw at mga linggo, na ni sa hinagap ay hindi ko naisip na pagmumulan ng matinding isyu ang tungkol sa dyowa ko.
Dr. Love, namalayan ko na lang na nagde-date na sila Joan at ang dyowa ko. Ang lupet naman nila sa akin!
Sa sobrang sakit, hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa at agad na nakipag-break sa dyowa ko.
Hindi na rin ako nag-aksaya ng panahon para kausapin pa ang traydor kong kaibigan.
Humingi si Joan ng sorry pero hindi ko po kayang ibigay sa kanya ‘yun at talagang ang sakit ng ginawa niya.
Binabalikan din ako ng dyowa ko, nagso-sorry. Ang sabi niya, tinukso lang daw siya ng best friend ko kung kaya nagawa niyang makipag-date sa kanya.
Pinatawad ko ang dyowa ko pero hindi ang itinurin kong best friend. Tama ba ang ginawa ko?
Gilda
Dear Gilda,
Kung ang dyowa mo na nagtaksil sa iyo ay napatawad mo, bakit hindi ang kaibigan mo na naging parang kapatid mo sa maraming taon?
Ang dyowa mo na kailan mo lang nakilala pero nagpakita agad ng kataksilan ay madali mong napatawad, bakit hindi si Joan?
Walang pinipili ang kapatawaran basta’t ang nagkasala ay humingi ng tawad.
Patawarin mo at bigyan ng second chance si Joan.
Dr. Love