“ANG ganda, Mary,’’ sabi ni Mama Lira.
“Isukat mo.”
Isinukat ni Lira ang gintong singsing na may mga kumikinang na bato.
“Kasyang-kasya, Mary—parang isinukat!’’ sabi ni Lira na hindi maitago sa boses ang labis na kasiyahan.
“Kabisadung-kabisado ni Rashid ang sukat ng daliri mo Lira. Parang kinuha ang sukat.”
“Lagi kasi niyang pinipisil ang daliri ko nun —lalo na itong palasingsingan.”
“Kaya naman pala kabisado niya, ha-ha-ha!”
“Pero totoo bang ang singsing na ito ay mga tinunaw na alahas ni Rashid, Mary?”
“Oo. Marami kasi kaming alahas na magkapatid—pawang purong ginto, Nireregalo sa amin ng kamag-anak at ang iba naman ay binibigay sa amin ng aming magulang lalo na kapag hajj o pagkatapos ng Ramadan. Mas maraming alahas si Rashid dahil paboritong regaluhan ang panganay na lalaki. Nang matunaw ang mga alahas ay yan ang kinalabasan—kaya ubod nang mahal yan.”
“Napakabigat nga Mary.”
“’Yan pa lang ay mayaman ka na Lira.”
Napangiti si Lira. Dama niya ang sinabi ni Mary. Totoo ang sinabi dahil sa bigat ng singsing ay talagang malaking pera ang katumbas.
“Meron din para kay Hiyasmin,” sabi ni Mary.
“Pero galing naman sa akin. Regalo ko sa kanya. Hindi ito gaano kamahalan, pero bagay na bagay sa kanya.”
Kinuha ni Mary sa bag ang maliit na kahita. Binuksan. Isang gold na necklace.
“Tiyak babagay ito kay Hiyasmin—ito ang sorpresa ko sa kanya.”
Nagkataon na lumapit sa kanila si Hiyasmin.
“Tamang-tama palapit si Hiyasmin,’’ sabi ni Mary.
Nang makalapit si Hiyasmin, iniabot ni Mary ang kahita.
Itutuloy