P1/ liter discount sa PUVs, aprub ng 4 oil firms


MANILA, Philippines — Pumayag ang apat na kumpanya ng langis­ na magkaloob ng P1 kada litro na discount sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs).

Sa gitna na rin ito nang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrol­yo sa bansa dahil sa kaguluhan sa ilang bansa sa Middle East.

Ayon kay Department of Energy (DOE) officer-in-charge Secretary Sharon Garin, kabilang sa mga naturang kumpanya na pumayag na magbigay ng P1 kada litro na discount sa PUV drivers ay ang Petron, Caltex, Shell at Cleanfuel.

“Nakausap natin ‘yung Petron, Caltex, Shell at Cleanfuel. Every day naman, ‘yan mini-meeting kada isa. At least meron silang mga P1 discount sa kada litro sa lahat ng public utility vehicles,” pahayag pa ni Garin, sa panayam sa radyo.

“So bawi rin ‘yan kasi hindi namin masyadong makontrol ang presyo. Sabi ng batas, ‘wag niyong kontrolin. So humihingi kami ng tulong sa mga oil companies,” dagdag pa niya.

Bukod aniya dito, nagpapatupad din ang mga kumpanya ng langis ng iba’t ibang promo na nagsisilbing loyalty programs at nagkakaloob ng discounts sa mga pribadong motorista.

Matatandaang kama­kailan ay nagpatupad ng big-time price hike sa mga produktong petrol­yo ang mga oil companies dahil sa giyera sa pagitan ng Israel at Iran.

Matapos ang pag-iral ng ceasefire, inaasahang magkakaroon ng tapyas ang presyo ng petroleum products ngayong linggong ito.