MANILA, Philippines — Ang patuloy na magandang relasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC).
Ito ang nakikita ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino sa pag-appoint ni Pangulong Ferdinand «Bongbong» Marcos Jr. kay Patrick “Pató” Gregorio bilang bagong chairman ng PSC.
“Our gratitude to our beloved President (Ferdinand R. Marcos Jr.),” sabi ni Tolentino. “The POC and PSC can now move forward — a brighter sports community that works harmoniously.”
Noong Sabado ay kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang appointment ni Gregorio sa PSC top post bilang kapalit ni Richard Bachmann na itinalaga noong Disyembre ng 2022.
Si Gregorio ang ikatlong PSC chairman sa ilalim ng Marcos administration matapos sina Bachmann at dating PBA Commissioner Noli Eala.
Ang 57-anyos na si Gregorio ang ika-13 chairman ng sports agency na itinatag noong 1990 sa pamamagitan ng Republic Act 6847.
Solido na ang samahan nina Tolentino at Gregorio sa Philippine sports.
Pinamahalaan ni Tolentino ang chess, shooting, muay at cycling bago naging POC president, habang naging aktibo si Gregorio sa basketball at boxing at kasalukuyang pangulo ng rowing association.
Noong 2018 ay naging POC chairman si Tolentino, samantalang tumayong secretary-general si Gregorio noong nakaraang taon lamang.
Tinapik ni Tolentino si Gregorio bilang Chef De Mission para sa pagsabak ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics.
Noong Abril ay nagtuwang sina Tolentino, ang PhilCycling president, at Gregorio, ang chairman ng DuckWorld PH, para sa matagumpay na pagdaraos ng “Great Revival” ng Tour of Luzon”.
