MANILA, Philippines — Nagdulot ng pagkalugi at pagkabahala sa negosyo sa paligid ng Taal Lake ang ibinunyag ni alyas “Totoy” sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.
Ayon sa mga tindera at may mga kainan sa lugar, bahagyang tumumal ang bentahan ng isdang tawilis na isa sa dinudumog ng mga nagpupunta sa Tagaytay.
Aminado ang mga ito na nagkaroon ng malaking epekto ang isiniwalat ni alyas “Totoy” na sa Taal Lake ibinaon ang mga nawawalang sabungero.
Sinabi naman ni Laurel Mayor Lyndon Bruce, isa sa mga munisipalidad na nakapalibot sa Taal Lake negatibo ang dating ng balita kaya nagdadalawang isip na bumili ng isda.
Bukod sa Laurel, nakapalibot din ang bayan ng Agoncillo, San Nicolas, Balete, Alitagtag, Cuenca, Mataasnakahoy, Lipa City, Tanauan City, Santa Teresita at Talisay.
Subalit ayon kay Bruce, 2020 nangyari ang insidente at walang dapat na ipangamba ang mga residente at maging mga turista.
Tiniyak ng alkalde na ligtas kainin ang tawilis.