MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng Creamline at Cignal HD ang solong liderato sa Pool B sa pagbabalik ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour sa Metro Manila.
Magtutuos ang Cool Smashers at HD Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng PLDT High Speed at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon sa Pool A sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Parehong nagtala ng 2-0 record ang Creamline at Cignal sa pagbubukas ng pre-season tournament sa Vigan, Ilocos Sur.
“Siguro na-apply namin ‘yung tine-training namin for the past three weeks. And ‘yun nga, hopefully ito lang ‘yung start and marami pa kaming mai-improve sa amin,” ani Alyssa Valdez sa Cool Smashers.
Nasa Pool B din ang Akari (1-1), Capital1 Solar Energy (0-2), Chery Tiggo at ZUS Coffee, habang ang Pool A ay binubuo ng Nxled (2-0), All-Filipino Cup champion Petro Gazz (1-1), Choco Mucho (1-1), Galeries Tower (0-2), PLDT at Farm Fresh.
Giniba ng Cool Smashers ang Solar Spikers, 25-10, 25-21, 25-10, bago nilusutan ang Chargers, 27-25, 22-25, 25-19, 25-18.
Pinatumba naman ng HD Spikers ang Akari Chargers, 25-23, 25-14, 25-23, at isinunod ang Solar Spikers, 25-21, 25-22, 25-16.
“Masaya ako na nakakapag-adjust kami kahit maraming bago. Lahat nag-contribute kaya I’m really happy for my teammates and our coaches,” ani Cignal setter Gel Cayuna.
Samantala, sasalang ang High Speed Hitters at Foxies sa una nilang laro sa Pool A.
Wala na sa kampo ng PLDT sina top hitters Erika Santos at Fiola Ceballos na lumipat sa Cignal at ZUS Coffee, ayon sa pagkakasunod.
