Alex Eala hahataw na sa Wimbledon


MANILA, Philippines — Ilalabas ni Alex Eala ang lahat ng itinatago nitong lakas upang pigilan ang anumang puwersang ilalatag ni reigning champion Barbora Krejcikova sa pagsisimula ng kampanya nito sa Wimbledon Championships.

Nakatakda ang pagtutuos nina Eala at Krejcikova sa first round ngayong araw sa All-England Club sa London, England.

Ito ang unang pagka­ka­taon na masisilayan si Eala sa main draw ng Wimbledon Championships para maging kauna-unahang Pinay netter na nakatapak sa Grand Slam event.

Mabigat ang labang haharapin ni Eala lalo pa’t gigil si Krejcikova na madepensahan ang kanyang korona.

Sariwa pa si Eala sa runner-up finish sa Eastbourne Open kung saan natalo ito sa pukpukang finals match laban kay Maya Joint ng Australia.

Nais ni Eala na kalimu­tan na agad ito upang maisentro ang kanyang atensiyon sa Wimbledon.

“Though I’m so happy with the positive week, it’s full speed ahead to Wimbledon. I have a date with center court,” ani Eala.

Sa kabilang banda, may iniindang injury si Krejcikova.

Subalit tiniyak nito na handa na itong sumabak.

Matatandaang nagwithdraw si Krejcikova bago pa man ang quarterfinals ng Eastbourne Open dahil sa thigh injury.

“I had to have a couple of days off where I didn’t really play any tennis but I did some off-court stuff. I’ve been feeling every day a little bit better, so I’m really happy with that,” ani Krejcikova.

Hindi pamilyar si Krejci­kova sa laro ni Eala.

Ngunit alam nito ang magandang takbo ng inila­laro ng Pinay netter partikular na sa Miami Open kung saan tatlong Grand Slam winners ang pinataob nito.

Kaya naman doble ingat ang gagawin ni Krejcikova sa pagharap nito kay Eala.