MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Asian Cycling Confederation (ACC) ang pagtatalaga sa Pilipinas para maging host country sa 2026 ACC Track Championships na idaraos sa brand-new Tagaytay City Velodrome sa Marso 25 hanggang 31 sa susunod na taon.
Mismong si ACC president Dato’ Amarjit Singh Gill ang nagpahayag ng magandang balita kung saan inilabas na continental body ang kalendaryo nito para sa 2026 kasama ang ACC Track Championships.
“It’s an honor and a privilege, but it’s equally a challenge,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino na siya ring presidente ng national cycling federation na PhilCycling.
Matagal na rin sapul nang huling maging host ang Pilipinas ng ACC championships.
Ito ay noon pang 1995 kung saan parehong road at track ang ginanap sa Amoranto Velodrome sa Quezon City at sa Subic sa Zambales.
“The tough task is up ahead because it’s been a while since we hosted a championships of such magnitude,” ani Tolentino.
Nagpasalamat si Tolentino kay Gill sa suporta nito sa Philippine cycling.
Dumating ang ACC president sa bansa mula pa sa Kuala Lumpur, Malaysia para daluhan ang inauguration ceremony ng bagong velodrome noong Hunyo 23 kasabay ng Olympic Day.
Ang Tagaytay City Velodrome ay nasa Crisantode los Santos Avenue Tagaytay City Atrium na kalapit ng International Cycling Union (UCI)-standard na BMX racing track— ang bukod tanging covered BMX track sa Asia— na naging host venue sa 30th Southeast Asian Games noong 2019 at Asian championships noong 2023.
Kalapit din nito ang Tagaytay City’s Combat Sports Center, skateboard at BMX park centers at track oval.
