DOJ: Atong, Gretchen ituturing na suspek


MANILA, Philippines — Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na kabilang na sa mga suspek na iniimbestigahan kaugnay sa kaso ng “missing sabungeros” ang business tycoon na si Atong Ang at dating aktres na si Gretchen Barretto.

Ayon kay Remulla, sasampahan ng kaso ang dalawa matapos silang pangalanan ni Julie Aguilar Patidongan o alyas “Totoy” na may kinalaman umano sa pagkawala ng mga sabungero.

“Pinangalanan sila, then we will have to include them as the suspects,” saad ni Remulla.

“Sooner than later, it will happen. Ie-evaluate ‘yan ng ating group of fiscals that will be assigned to evaluate all the evidence so that we will know what cases to file properly,” wika pa ni Remulla.

Inihahanda na rin ang case buildup laban sa dalawa, bagamat aminado si Remulla na matinding hamon ito sa usapin ng pera at connection.

“There are 20 people in the alpha list… Yung alpha group ng e-sabong. The alpha group is the main group that run the show,” ani Remulla.

Una rito, sa exclusive interview ng “24 Oras” ng GMA News nitong Miyerkules, tinukoy ni Patidongan si Ang at dalawang iba pa bilang mga mastermind umano sa kaso ng pagkawala ng mahigit 100 sabungero.

Binanggit din nito si Gretchen na may nalalaman sa kaso.

Si Patidongan ang head ng security ng mga sabungan ni Ang na kasama sa mga unang kinasuhan dahil sa pagkawala ng mga sabungero.