PSSA Aspirants Cup didribol sa Hulyo 12


MANILA, Philippines — Mag-aagawan para sa karangalan ang 11 koponan sa pagdribol ng Phi­lippine Schools Athletic Association (PSAA) Aspirants Cup 16-under sa Hulyo 12.

Pamumunuan ng A­te­neo De Manila University, National University, University of the Philippines-Integrated School at Mapua University ang mga 16-under school teams.

Sasabak din sa aksyon ang Xavier School, St. Bernadeth College-Alabang, Marist School, St. Benedict School, Gracel Christian College Foundation, St. John Worth Integrated School at San Antonio High School-Makati.

“We’re happy to announce the participation of four established institutions – Mapua, UP, Ateneo and NU – to play against six other equally talented schools in the inaugural Aspirant Cup for 16-under players,” sabi kahapon ni coach at organizer Fernando Arimado sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa PSC Conference Room.

Si Arimado ay founder din ng National Youth Basketball League (NYBL).

Sinabi ni PSAA Commissioner Robert Dela Rosa na hahatiin ang 12 teams sa dalawang grupo sa one-round elimination kung saan aangat sa crossover semifinals ang top two squads sa magkabilang grupo.

“Pinili natin ang grupo ng mga referee na mga beterano at magagaling mula sa malalaking collegiate league upang masiguro natin ang high-level din ang quality ng ating officiating,” ani Dela Rosa sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.

Ikinatuwa ng mga kinatawan na eskwelahan ang paglahok ng malalaking institusyon na anila’y higit na makapagbibigay inspirasyon at hamon sa mga batang players na karamihan ay lalaro pa lamang sa unang pagkakataon sa isang premyadong liga.

“Their presence is a big challenge for us. Isang motibasyon ito sa amin, sa aking mga players na magpursige dahil alam nilang malalakas ang mga kalaro. Hindi puwede ang basta na lang kundi disiplina,” wika ni St. Bernadeth College-Alabang coach Jonald Mabasa. — Frank Calapre