COTABATO CITY, Philippines — Isang sundalo ang naputulan ng braso habang patay naman ang kanyang angkas na anak nang lumihis ang kanilang motorsiklo at bumangga sa isang itinatayong concrete building sa gilid ng highway sa Barangay Noa sa Magpet, Cotabato nitong Huwebes, July 10.
Sa ulat ng Magpet Municipal Police Station, naputol ang braso ni Pfc. Ronnie Sulayman Bacag sanhi ng kanilang pagbangga sa naturang istruktura na nagsanhi rin sa agarang pagkamatay ng kanyang anak na si Daveheart.
Si Bacag ay miyembro ng 39th Infantry Battalion, sakop ng 10th Infantry Division, na nakalat ang mga tropa sa ilang mga bayan sa magkatabing probinsya ng Cotabato at Davao del Sur.
Si Bacag at ang kanyang anak ay mula sa kanilang tahanan sa Sitio Cantimon sa Barangay Libertad sa Akaran, Cotabato at patungo sana ng Kidapawan City nang biglang nadiskarel ang kanilang motorsiklo at bumangga sa mga bakal na materyales para sa itinatayong kapilya sa gilid ng highway sa Barangay Noa.
Agad dinala ang mag-ama sa isang hospital kung saan na idineklarang dead-on-arrival ang anak.
