Kelot tiklo sa P1.3 milyong shabu


CAMP GUILLERMO NAKAR, Lucena City , Philippines — Arestado ang isang lalaki na kabilang sa listahan ng High Value Indivi­duals (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) at nakumpiskahan ng mahigit sa isang milyong pisong halaga ng suspected shabu sa Brgy. Domoit, Lucena City, kamakalawa.

Base sa ulat ni QPPO Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang suspek na si alyas “Nelson”, 50, walang trabaho, at residente ng Brgy. Mamala 2, Sariaya, Quezon.

Ang buy-bust operation ay isinagawa dakong alas-4:40 ng hapon at nakum­piska sa suspek ang dalawang plastic bag at isang sachet ng hinihinalang shabu, isang navy blue sling bag, isang P1,000 bill bilang marked money

Tinatayang 65 gramo ang bigat ng nakumpis­kang droga, na may halagang P442,000.00 at street value na humigit-kumulang P 1.3 milyon.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Lucena CCPS habang inihahanda ang kasong paglabag sa Seksyon 5 at 11 ng RA 9165 na isasampa sa Office of the City Prose­cutor sa Lucena City.