Pangmatagalang tulong sa mga Aeta sa Floridablanca


NAGMAMALASAKIT si Pampanga Gov. Lilia Pineda at DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mga Aeta sa Floridablanca, Pampanga.

Noong Biyernes, inilunsad nila ang isang integrated agro-forestry program. Ito’y komprehensibong hakbang na nagtuturo ng pangmatagalang kabuhayan, pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa karapatang pangkatutubo ng mga Aeta.

Sa halip na ibenta ang kawayan ng P20 lamang, iniutos ni Pineda na gamitin ang kawayan sa paggawa ng upuan at mesa para sa libu-libong day care learners ng Pampanga. Sa ganitong paraan, tunay na bumabalik ang benepisyo sa komunidad dahil bukod sa kikita na sapat ang mga Aeta, may gamit pa ang mga bata sa silid-aralan.

Ayon kina Pineda at Gatchalian, tututukan ng pamahalaan, ang paggawad ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) bilang pagkilala sa karapatan ng mga Aeta sa lupang ninuno. Hindi nararapat na muling mabura ang mga Aeta sa kanilang lupang pinagmulan. Bibigyan ang mga Aeta ng kagamitan sa sakahan, binhi, abono, at mga pagkain.

Ang integrated agro-foresty program ni Pineda katuwang ang DSWD ay patunay na kung magkasangga ang lokal at pambansang pamahalaan, maaabot ang mga nakakaligtaang komunidad.

Susubaybayan ng DSWD ang progreso ng programa. Hindi nararapat na naiiwan sa laylayan ng pag-unlad ang mga Aeta dahil sila’y tagapangalaga ng kalikasan at  tagapagmana ng lupaing ninuno.

Sana, maging inspirasyon at modelo ang Floridablanca sa iba pang mga lalawigang naghahangad na umunlad.

••••••

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: [email protected]