‘Wish list’ ng mga opisyal, normal sa gobyerno!


PULSOhan — Dr. Paul Martinez — Pilipino Star Ngayon

January 15, 2026 | 12:00am

Sa mga nagdaang araw, ginawang masamang salita ang ter­minong “wish list.” Para bang awtomatikong katumbas ito ng katiwalian. Ngunit sa totoo lang, ito ay isang maling pagbasa—at mas masahol, isang sinadyang paglihis sa tunay na usapin.

Sa lokal na pamahalaan pa lamang, normal na gawain na ang mga barangay official ay nagsusumite ng listahan ng kanilang pangangailangan sa alkalde: kalsada, drainage, flood control, o waiting shed. Walang iskandalo rito. Ito ay bahagi ng proseso ng pagpaplano.

Gayundin sa pambansang antas—ang mga miyembro ng Gabinete ay nagsusumite sa Pangulo ng listahan ng mga proyektong kailangang ipatupad sa kani-kanilang ahensya. Bakit? Dahil sila ang may hawak ng datos at alam nila kung saan may kakulangan.

Ganoon din ang papel ng mga kongresista. Bilang kina­tawan ng distrito, sila ang nakakaalam kung aling ilog ang uma­apaw taun-taon, kung aling komunidad ang laging bina­baha, at kung saan kailangan ang agarang imprastraktura. Ang pag­susumite ng “wish list” ay hindi ilegal—ito ay mismong diwa ng representasyon.

Mahalagang linawin ito: ang kongresista ay hindi ang nag-iimplementa ng proyekto. Kapag naisama na sa programa, ang proyekto ay ipinapatupad ng mga ahensyang pambansa gaya ng DPWH. Dumaraan ito sa technical review, budget approval, public bidding, at audit. May mga engineer, contractor, at inspector na may kanya-kanyang pananagutan.

Kaya ang tunay na problema ay hindi ang “wish list.” Ang problema ay kapag ang proyekto ay naging ghost project—o mas masahol, substandard at nakamamatay.

Isang malinaw na halimbawa ang trahedya sa Bgy. Ba­cayan sa Cebu City, kung saan namatay ang 13 miyembro ng isang pamilya matapos bumigay ang flood control. Ayon sa ulat, imbes na metal sheet pile, kawayan umano ang ginamit. Kung mapapatunayan, ito ay hindi simpleng kapabayaan—ito ay kriminal. Hanggang ngayon, ang contractor ay hindi pa ganap na napapanagot, bagama’t may balitang kasong paparating.

Hindi ang “wish list” ang kasalanan. Ang kasalanan ay ang pandaraya, ang substandard na materyales, at ang kawalan ng pananagutan. Hangga’t hindi ito ang tinututukan, mauulit at mauulit ang trahedya—at laging mamamayan ang magbabayad ng pinakamataas na presyo.