Misis na nahatulang mag-public apology sa taksil na mister, sumikat matapos gawing ‘serye’ ang apology videos!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 18, 2026 | 12:00am

NAGING  instant celebrity ang ginang sa China na si Niu Na matapos ang kanyang “wais” na pagtupad sa utos ng korte na humingi ng tawad sa kanyang asawang nagtaksil at sa kabit nito.

Nagsimula ang gulo nang matuklasan ni Niu ang limang taong relasyon ng kanyang mister sa isang ka-opisina na may asawa na rin.

Bilang ganti, ikinalat niya sa social media ang kanilang pagtataksil.

Gayunman, binalikan siya ng dalawa at sinampahan ng kasong defamation, kung saan natalo si Niu at inutusan ng hukom na mag-post ng public apology sa social media sa loob ng 15 magkakasunod na araw.

Sa kanyang daily apology videos, bagama’t humihingi siya ng tawad sa magkalaguyo, isinisingit niya ang mga detalyadong “resibo” ng kasalanan ng mga ito.

Ipinakita niya ang mga record ng pagbili ng mister ng mga luxury goods para sa kabit habang hindi nito binabayaran ang tuition fee ng kanilang anak at ang kanilang mortgage.

Ibinunyag din niyang hindi ­sinusundo ng mister ang kanilang anak sa school at inakusahan din niya ito ng domestic violence.

Ang format ng videos ay nagmistulang “news update” kung saan inaabangan ng milyun-milyong netizens ang susunod na kabanata ng kanyang “paghingi ng tawad.”

Dahil sa strategy na ito, tinawag ng publiko ang insidente bilang isang “public execution” at hindi apology.

Sa sobrang ingay ng isyu online, naapektuhan ang kumpanyang pinapasukan ng mister at ng kabit, dahilan upang pareho silang masuspinde sa trabaho.

Patuloy pa ring sinusubaybayan ng buong bansa ang apology videos habang ang ilang netizens ay nagbibigay pa ng legal advice kung paano niya maipagpapatuloy ang pagbubunyag nang hindi lumalabag sa utos ng hukom.