Gilas players iingatan ni Cone


MANILA, Philippines —  Prayoridad ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang lagay ng mga players nito na sasabak sa FIBA Asia Cup sa susunod na buwan sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ilan sa mga players nito ay galing sa pukpukang laban sa PBA Philippine Cup kabilang na ang mga bataan nito sa Barangay Ginebra Gin Kings.

May mga players pa na nasa San Miguel Beer at Talk ’N Text na nakatakdang magharap sa best-of-seven championship series simula ngayong araw.

Kaya naman pinag-aaralan na ni Cone ang magiging approach nito sa training camp ng Gilas lalo pa’t pagod ang ilan sa mga players na nasa pool.

Ilan pa sa kanila ay may iniindang injury at manga­ngailangan ng pahinga.

“We’ve got a lot of pla­yers who are just finishing a really, really long season. They’re really worn out. They’re nicked up and have injury concerns,” ani Cone.

Ilan sa mga players na may minor injuries ay sina Jamie Malonzo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at RJ Abarrientos na mi­yembro ng Gin Kings.

Daraan naman sa pukpukang serye sina June Mar Fajardo at CJ Perez ng Beermen at Calvin Oftana ng Tropang 5G bago makasama ang Gilas sa training camp.

Nasa Maynila na sina naturalized player Justin Brownlee at AJ Edu para mag-ensayo kasama ang pool.