MANILA, Philippines — Sumuko ang World No. 44 Gilas Pilipinas Women sa No. 2 Australia, 115-39, sa pagbubukas ng 31st FIBA Women’s Asia Cup kahapon sa Shenzhen Sports Center sa China.
Umiskor si Fil-Am point guard Vanessa De Jesus ng siyam na puntos para sa mga Pinay cagers habang may tig-walong marka sina Kent Pastrana at Naomi Panganiban.
Kumolekta lamang ang 6-foot-5 center na si Jack Animam ng dalawang puntos at limang rebounds sa kanilang unang laro sa Group B.
Pilit na babangon ang Gilas Women mula sa kabiguan sa kanilang pagharap sa No. 9 Japan ngayong alas-7:30 ng gabi.
Nagmula ang mga Japanese sa 72-68 pagdaig sa No. 54 Lebanon sa isa pang laro.
Sa Miyerkules ay sasagupain ng mga Pinay cagers ang mga Lebanese sa ala-1:30 ng hapon sa kanilang huling laro sa pool play.
Nagsalpak si Miela Goodchild ng 19 points para banderahan ang mga Aussies kasunod ang 17 markers ni Sara Blicavs.
Kumolekta si Chloe Bibby ng 16 points at 10 rebounds para sa 2023 FIBA Women’s Asia Cup third placers.
Nakabangon ang Gilas Women mula sa isang 12-point deficit sa first period sa inihulog na 9-2 atake nina De Jesus at Panganiban
Ngunit muling humataw ang Australia para isara ang nasabing yugto bitbit ang 31-14 abante patungo sa pagtatayo ng isang 76-point lead sa fourth quarter.
