PROSESONG legal at politikal ang impeachment. Daraan si VP Sara Duterte sa dalawang bahagi.
Una ang pagde-detalye ng mga sakdal. Ikalawa ang paglalahad ng kaniyang depensa. Ganyan din sa mga kasong kriminal o civil sa korte.
Lalabas lahat ng baho ni VP Sara sa unang bahagi. Ilalarawan siya ng prosecution na masamang tao. Ire-replay ang mga video niya na nagtatangkang patayin at minumura sina President Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta, at Speaker Martin Romualdez.
Gayundin ang videos niya na nananawagan siya sa madla at militar ng sedisyon at rebelyon. At pag-uudyok niya ng gulo at hidwaan sa gobyerno, at pag-asal diktadora.
Ibubunyag muli ang nahalungkat na mga dokumentos sa House hearings. Ito ang pagwaldas ng P255 milyon ng OVP at DepEd, at pagkwestyon dito ng Commission on Audit.
Iisa-isahin sa powerpoint ang nakakainis na paggamit ng mga alyas sa disbursement receipts ng perang gobyerno. Ehemplo: Mary Grace Piattos, Chippy McDonald, Carlos Miguel Oishi, Jay Kamote, Miggy Mango, Joug de Asim, Amoy Liu.
Ipapakita ang mga parehong pangalan at pirma ng mga tumanggap sa parehong araw pero daan-daang kilometro ang distansya.
Lalantad ang mga testigo sa panunuhol, pagwawaldas, pang-aapi ni VP Sara. Gayundin ang mga namatayan at nasugatan ng Davao Death Squad sa giyera kontra droga sa Davao City nu’ng mayor si VP Sara, 2016-2022.
Matapos ‘yan, iisa-isahin ng panig ni VP Sara sagutin ang mga paratang. Palalabasin nilang legal lahat ng ginawa niya.
Dahil televised ang paglilitis, tatanim sa isip ng madla ang kasamaan niya. Mahihirapan siyang burahin ito sa ikalawang bahagi.