Problema, sumalubong kay Isko | Pilipino Star Ngayon


SA pag-upo ni Manila Mayor Isko Moreno, sumalubong na agad ang gabundok na basura. Ito’y matapos na abado­nahin ng contractor ng basura ang Maynila. Namaho ang Maynila kaya tinugunan naman agad ni Isko. Unang solusyon ni Isko ay kunin ang serbisyo ng dating tagahakot ng basura, ang Leo­nell Solid Weast Management.

Mukhang okey na naman ang kapaligiran ng Maynila dahil naalis na ang mga basurang nagkalat sa mga kalsada. Mala­king accomplishment ito ni Isko para sa mga Manileños. Kung ha­hayaan na nakakalat ang basura tiyak lalaganap ang sakit.

Hindi yata napapagod si Isko sa kanyang paglilibot at na­pansin nito ang pinatayong barangay hall na kumain ng buong sidewalk at tumabing sa paaralan sa Barangay 313 Zone 31, T. Alonzo Street, Sta Cruz, Manila. Lumalabas na walang permit ang pagpagawa sa barangay hall kaya agaran niyang pinatibag.

Limpak-limpak na pera ang nadurog sa naturang pro­yekto na pinondohan ni Congressman Joel Chua. Bakit hindi naikuha ng permit bago ipagawa? Malaking tulong sana ito para sa mga taga-Barangay 313 dahil madali nilang maisasangguni ang kanilang problema at siyempre ang seguridad ng kani­lang barangay.

Halos araw-araw,may magagandang accomplishment si Isko. Hindi lamang sa mga lansangan siya nakatutok kundi maging sa Manila Police District Command. Nitong nagdaang mga araw, may naipresenta sa kanyang limang suspek at nakober ng media. Kaya lang, nakapagtataka na walang takip ang mukha ng mga suspek na pinresenta kay Isko.

Dapat igalang ang karapatan nang bawat akusado dahil hindi pa naman sila nahahatulan.

Ganunman, ipinakita ni Isko na wala siyang sinasanto. Kalusin ang dapat kalusin at isadlak sa rehas na bakal ang mga nagkasala.