MANILA, Philippines — Inilarga muli sa Kamara ang Charter change o pag-aamyenda sa Saligang Batas pero sesentro ito sa ekonomiya at teritoryo ng Pilipinas.
Target ng inihaing House Resolution of Both Houses (HRBH) #1 ni dating House Committee on Constitutional Amendments at incumbent AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. na amyendahan sa 1987 Konstitusyon ang probisyon sa ekonomiya at teritoryo lamang.
Nilinaw ni Garbin na walang halong pampulitikal na reporma ang inihain niyang HRBH tulad ng pinangangambahan ng mga kritiko.
Alinsunod sa resolusyon ni Garbin, nakapokus ito sa Articles 1, XII, XIV at XVI hinggil sa paglilinaw sa depinisyon ng pambansang teritoryo at pagluluwag ng mahigpit na probisyon sa ekonomiya kung saan hindi rito kabilang ang pagbabago sa pulitikal na limitasyon sa termino sa mga posisyon sa gobyerno.
Pangunahin ding tampok sa Cha-cha ang pagbibilang sa Exclusive Economic Zone, continental shelf at West Philippine Sea (WPS) bilang bahagi ng pambansang teritoryo.