Pacquiao-Mayweather 2 niluluto na? | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Ngayong nakabalik na sa professional bo­xing si eight-division world champion Manny Pacquiao, muling nabuhay ang posibilidad na muli nitong ma­kaharap si undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.

Usap-usapan ngayon sa social media ang Pacquiao-Mayweather rematch matapos magpost ang isang American boxing reporter patungkol sa muling pagtutuos ng dalawang legendary boxers.

Bumisita si veteran boxing reporter Lance Pugmire sa Mayweather Boxing Club kung saan nalaman nitong nakatakdang manood si Mayweather ng laban nina Pacquiao at reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Kabilang sa mga narinig nito ang usapan sa Pacquiao-Mayweather rematch.

Magaganap umano ito kung maipapanalo ni Pac­quiao ang laban nito kay Barrios.

“Conversations are already happening … If Manny wins, this (rematch) could be worth billions,” I was told,” ani Pugmire sa kanyang post sa social media.

Kung matutuloy ang laban, inaasahang muli itong tatabo sa takilya na kikita ng limpak limpak na dolyares.

Huling nagharap sina Pacquiao at Mayweather noong Mayo 2, 2015 sa parehong MGM Grand Garden Arena venue.

Nanalo si Mayweather sa naturang laban via unanimous decision para manatiling malinis ang rekord nito.

Sa kabila ng kabiguan, malaki ang kinita ni Pacquiao sa laban dahil bukod sa prize money ay tumabo sa takilya ang pay per view nito na pinaghatian ng dalawang kampo.

Napaulat na umabot sa 4.6 million pay per view buys na may mahigit $400 million na kinita.

Kaya naman kung maikakasa ang Pacquiao-Mayweather rematch, posibleng malampasan nito ang kinita ng kanilang unang laban may isang dekada na ang nakalilipas.

Wala pang binabanggit ang kampo ni Mayweather sa naturang balita.

Hindi pa rin nagsasalita ang grupo ni Pacquiao dahil nakasentro ang atensiyon nito sa paghahanda para sa laban nito kay Barrios.

Kailangan muna ni Pacquiao na maitarak ang impresibong panalo kay Barrios upang mabigyang linaw ang posibilidad na muli nitong makasagupa si Mayweather.

Handa si Pacquiao na ibigay ang lahat para makuha ang panalo kay Barrios.

“All I can say is I’m back. Our job is to give enjoyment and satisfaction to fans, a real fight. Not a boring fight,” ani Pacquiao.

Handa naman si Barrios na makipagsabayan sa isang legendary boxer na tulad ni Pacquiao.

“I know it’s gonna be a hell of a fight against a living legend. But at the end of the night, you’re gonna hear ‘And still!’” ani Barrios.