MANILA, Philippines — Pumalo na sa lima katao ang nasawi habang pito pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Crising na pinalala pa ng habagat sa halos buong bahagi ng bansa.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Officer-in-Charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, hanggang alas-8 ng umaga nitong Lunes, kabilang sa mga napaulat na nasawi ay tatlo sa Mindanao at tig-isa sa Davao at Caraga Regions.
Nasa lima katao naman ang nasugatan habang pito pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang hinihintay pa ang opisyal na ulat at beripikasyon sa iba pang mga biktima sa mga rehiyong binayo ng kalamidad.
Tumaas na rin sa 225,000 pamilya o kabuuang 800,000 katao ang naapektuhan ni Crising at ng habagat kung saan sa nasabing bilang ay 5,900 pamilya o 20,000 katao ang nasa 319 evacuation centers.
Naitala naman sa 45 kalsada at pitong tulay ang hindi pa rin madaanan bunga ng naghambalang na mga nabuwal na punongkahoy, landslide, rockslide at mataas na tubig baha.
Nasa 1,234 mga kabahayan din ang napinsala sa masamang lagay ng panahon.
Sa inisyal na pagtaya, aabot sa P219.3 milyon ang pinsala sa imprastraktura partikular na sa Ilocos Region na nakapagtala ng P166.5 milyon.
Daan-daang pasahero naman ang istranded sa mga pantalan sa iba’t-ibang lugar.
