MANILA, Philippines — Para kay Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III, mukhang nauubusan na ng bala ang Duterte Diehard Supporters (DDS) matapos ulit ipakalat ang isang lumang insidente para siraan ang kasalukuyang administrasyon.
Sa isang press conference nitong Lunes, Hulyo 21, tinukoy ni Torre ang viral video sa social media na nagpapakita umano ng isang Chinese national na pinatay at itinapon sa Kawit, Cavite. Aniya, nangyari ito noon pang 2022 — panahon ng administrasyong Duterte — ngunit ipinamumukha ngayong tila bagong krimen ito.
“Wala na silang nakitang masama ngayon na kasing-sama noong panahon nila,” ani Torre.
Ayon sa hepe ng PNP, malinaw na layunin ng pagpapakalat ng video ang maghasik ng takot at palabasing lumalala ang peace and order sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan. Giit niya, hindi dapat linlangin ang publiko gamit ang lumang impormasyon o pekeng konteksto.
Sino ba ang mga DDS?
Ang Duterte Diehard Supporters o DDS ay kilalang online at grassroots machinery ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Madalas silang aktibo sa social media para suportahan ang mga hakbang ng dating administrasyon at batikusin ang mga kritiko o kaalyado ng kasalukuyang gobyerno.
Kamakailan, tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga kaalyado ng nakaraang administrasyon at ng kasalukuyang pamunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng mga batikos at isyung may kinalaman sa kapayapaan, krimen at disimpormasyon online. — Base sa ulat ni Geraldine Santos
