Mga eksperto: Palpak WHO strategy laban sa paninigarilyo


Pilipino Star Ngayon

August 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sinabi ng mga eksperto hindi epektibo ang kasalukuyang polisiya ng World Health Organization (WHO) sa pagkontrol ng tabako, na nagpapakita ng halos walang pagbabago sa bilang ng naninigarilyo kahit mahigit 20 taon na mula nang ipatupad ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC).

Sa 2025 Global Forum on Nicotine (GFN) sa Poland, iginiit ng mga panelist na ang mabigat na pagbabawal ng WHO ay hindi akma sa mga estratehiyang nakabatay sa ebidensya para sa harm reduction na makatutulong sa higit isang bilyong naninigarilyo na tuluyang tumigil o lumipat sa mga produktong mas mababa ang panganib.

Ang tobacco harm reduction ay tumutukoy sa mga hakbang na nagpapababa sa panganib ng mga sakit dulot ng paninigarilyo sa pamamagitan ng paggamit ng mga alternatibong produkto gaya ng heated tobacco, nicotine pouches, at e-cigarettes sa halip na magpatuloy sa paggamit ng sigarilyo.

Binigyang-diin ng mga panelist sa GFN na dapat unahin sa isang makabagong balangkas ng pagkontrol sa tabako ang agham, pagkakapantay-pantay, at karapatang pantao—kasama ang mga patakarang nagtataguyod ng harm reduction, gumagalang sa kalayaan ng mamimili, at isinasaalang-alang ang tunay na kalagayan ng mga naninigarilyo.

Sa Pilipinas, sinuportahan ni Dr. Lorenzo Mata Jr., president ng grupong Quit for Good, ang panawagan para sa pagbabago. “The WHO has fallen short of its target and failed to help more than a billion smokers globally,” ani Mata.