Biado, 2 pa tumumbok ng panalo sa WPC


MANILA, Philippines — Humakbang sa Round 2 ng winner’s qualification sina two-time World Champion Carlo Biado, Johann Chua at Lee Van Corteza matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa 33rd World Pool Championship na nilalaro sa Green Halls sa Jeddah Saudi Arabia.

Pinagpag ng 2017 World 9-ball Championship at 2024 World 10-ball Championship king na si Biado si Jan Van Lierop, 9-5 ng The Netherlands habang binokya ni Chua si Mohamed Al-Balkhi, 9-0 ng host country kahapon.

Maging ang many-time Southeast Asian Games gold medalist na si Corteza ay nagpasiklab ng pagulungin si Al Waleed Al-Mudayan, 9-7 ng Saudi Arabia sa kanilang Race-to-9 match.

Sasamahan nina Biado, Chua at Corteza ang mga naunang Pinoy na umusad na sina Anton Raga at Jeff Roda na tutumbok sa winner’s qualification sa event na nakataya ang $1,000,000 prize fund.

Pero tiyak na may Pinoy cue artist ang malalag­lag sa loser’s bracket dahil magkatapat sina Biado at Corteza sa susunod na round.