Petro Gazz, Choco Mucho magpupuwestuhan


MANILA, Philippines — Ang puwestuhan na lamang sa crossover knockout phase ang magagawa ng Petro Gazz at Choco Mucho sa kanilang duwelo sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.

Magtutuos ang Gazz Angels at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Chery Tiggo Crossovers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-4 ng hapon.

Nasikwat ng PLDT (5-0) at Nxled (4-1) ang dalawang outright quarterfinal spot sa Pool A, habang magpupuwestuhan sa crossover knockout round ang Farm Fresh (3-2), Petro Gazz (1-3), Choco Mucho (1-3) at Galeries Tower (0-5).

Ang Cignal HD (4-1) ang kumonekta ng isang automatic quarterfinal ticket sa Pool B kasunod ang Creamline (3-1), Chery Tiggo (3-2), ZUS Coffee (2-2), Akari (2-3) at Capital1 Solar Energy (0-5).

Sa tournament format, ang top two teams mula sa Pool A at B ang mabibigyan ng automatic entry sa quarterfinals at ang mga tropang magtatapos sa third hanggang sixth place sa bawat grupo ang sasalang sa crossover knockout matches para paglabanan ang huling apat na silya.

Sa knockout matchups ay lalabanan ng Pool A No. 3 ang Pool B No. 6, sasagupain ng Pool A No. 4 ang Pool B No. 5, magtatapat ang Pool B No. 3 at Pool A No. 6 at lalabanan ng Pool B No. 4 ang Pool A No. 5.

Haharapin ng Gazz Angels ang Flying Titans na wala si dating coach Koji Tsuzurabara na nagbitiw sa kanyang posisyon at bumalik sa Japan.

Ang 60-anyos na si Tsuzurabara ang gumiya sa Petro Gazz sa korona ng nakaraang PVL All-Filipino Confe­rence laban sa Creamline.

Nagmula ang Gazz Angels sa 23-25, 21-25, 23-25 kabiguan sa Foxies noong Hulyo 13 sa Ilagan City.

Talo rin ang Flying Titans sa High Speed Hitters, 22-25, 16-25, 25-22, 17-25, sa parehong playdate.