MANILA, Philippines — Ipinagkait ng ZUS Coffee sa Chery Tiggo ang ikalawang automatic quarterfinal spot sa Pool B mula sa kanilang 19-25, 25-22, 18-25, 25-19, 15-6 pagsapaw sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Pumalo si rookie middle blocker AC Miller ng 19 points mula sa 15 attacks at apat na blocks para sa Thunderbelles.
“Siguro naging puhunan lang namin is hindi kami tumigil sa sets na ipinanalo namin, lalo na sa fourth set,” ani Miller. “Kung hindi namin ibinigay iyong best namin sa set na iyon malamang tapos na iyong game.”
Nagdagdag si setter Cloanne Mondoñedo ng 36 excellent sets para sa ZUS Coffee at may 13, 11 at 10 markers sina Kate Santiago, Chinnie Arroyo at Chai Troncoso, ayon sa pagkakasunod.
May magkakaparehong 3-2 karta ang Thunderbelles, Crossovers at Creamline Cool Smashers sa pagtiklop ng pool play.
Ngunit napasakamay ng Creamline ang ikalawang outright quarterfinal ticket dahil sa kanilang 10 match points sa tiebreaker kumpara sa tig-walo ng Chery Tiggo at ZUS Coffee.
Ang Cignal HD Spikers ang pumitas sa unang outright quarterfinal berth sa Pool B sa 4-1 baraha.
Sasalang ang Thunderbelles at Crossovers sa crossover knockout round na magsisimula sa Sabado sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Pinamunuan ni rookie Renee Penafiel ang Chery Tiggo na may 19 markers.
Bumalikwas ang ZUS Coffee mula sa 1-2 agwat para makatabla sa fourth set, 25-19, bago bumida sina Miller at Arroyo sa fifth frame para sa kanilang 9-3 kalamangan.
Ang service ace ni Mika Ortiz kasunod ang sideout ni Robles para sa Crossovers ang sumelyo sa fifth-sets win ng Thunderbelles.
