Chua bilib kay Tenorio | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Ang paghahari ng Gilas Pilipinas U16 team sa nakaraang South East Asian Basketball Association (SEABA) ang nagkumbinsi kay San Miguel Corporation Sports Director Alfrancis Chua na kunin si LA Tenorio bilang bagong coach ng Magnolia.

Ang 41-anyos ka­sing si Tenorio ang gumiya sa mga Batang Gilas sa korona ng SEABA para masikwat ang tiket sa FIBA Asia Cup U16 tournament.

“Everybody knows he’s a very intelligent guy, very smart, and a team leader,” sabi ni Chua kay Tenorio, isang eight-time PBA champion point guard at four-time Finals MVP.

Idinaos ang SEABA sa San Fernando, Pampanga noong Mayo.

Pinalitan ni Tenorio sa bench ng Hotshots ang 49-anyos na si Chito Victolero na inihatid ang koponan sa 2018 Governors Cup championship.

Ibibigay ni Chua, ang PBA Board vice chairman, ang karapatan kay Tenorio na mamili ng kanyang coaching staff sa Magnolia.

“Parang piloto iyan, siyempre ‘yung mga piloto gusto nila na ‘yung nasa kanan nila, assistant nila, pinagkakatiwalaan,” wika ni Chua.

Nakasama na ni Chua si Tenorio sa Barangay Ginebra at sa Gilas Pilipinas.

Ang pagiging head coach ni Tenorio sa Hotshots ang tumapos sa kanyang makulay na 18th season bilang player sa PBA tampok ang pagiging one-time Best Player of the Conference winner, 2010 Most Improved Player at 2024 Comeback Player of the Year.

Samantala, iniluklok si dating Magnolia coach Jason Webb bilang bagong team governor kapalit ng nagretiro nang si Rene Pardo.