MANILA, Philippines — Kagaya ng sinabi ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito, isasama niya sina Bella Belen, Angel Canino, Alyssa Solomon at Shaina Nitura sa Alas Pilipinas lineup para sa SEA V.League Leg 1 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Sina Belen, Canino, Solomon at Nitura ay wala sa national team roster na sumabak sa nakaraang VTV Cup sa Vietnam kung saan pumarada sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips ng Petro Gazz at Tia Andaya ng Choco Mucho.
Hindi isinama ni de Brito sina Van Sickle, Phillips at Andaya dahil hindi pa ayos ang kanilang mga dokumento sa international volleyball federation (FIVB).
Wala rin sa official lineup sina setter Lams Lamina, middle blocker Amie Provido, spiker Alleiah Malaluan, libero Jen Nierva at setter Julia Coronel.
Kumpiyansa ang dating Brazilian Olympic coach sa tsansa ng Alas sa SEA V.League Leg 1 na papalo sa Agosto 1 hanggang 3.
Muling gigiyahan ni team captain Jia De Guzman ang mga Pinay spikers kasama sina Eya Laure, Leila Cruz, Vanie Gandler, Maddie Madayag, Mars Alba, Dell Palomata, Fifi Sharma, Thea Gagate, Dawn Catindig, Justine Jazareno at Cla Loresco.
Nakataya sa torneo ang FIVB world ranking points.
Sasalang ang Alas Pilipinas sa 2025 SEA V.League bilang World No. 47 ranked team at No. 8 sa Asia.
Itinakda naman ang Leg 2 sa Agosto 8 hanggang 10 sa Vietnam.
Inihahanda ni de Brito ang Alas Pilipinas para sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
