Kaso ng missing sabungeros, gumugulong na!


Gumugulong na ang hustisya para sa missing sabungeros. Matapos ianunsiyo ni President Bongbong Marcos sa kanyang 4th SONA na pananagutin niya ang mastermind at mga kaalyado nito sa kaso, kumilos agad ang National Police Commission para kasuhan ang 12 pulis na itinuturo ni Julie “Dondon” Patidongan. Ang kinasuhan ng adminis­tratibo, ayon kay Napolcom IMIS Diector Edman Pares ay isang colonel, lieutenant colonel, major at siyam na enlisted personnel, walo rito mga sarhento. Haharap sila, ani Pares, sa kasong grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer, samantalang ang isa sa kanila ay may karagdagang kaso na grave neglect of duty. Sinabi ni Napolcom Vice Chair­man Rafael Vicente Calinisan na may option ang kani­lang opisina na ilagay sa preventive suspension ang 12 pulis habang nililitis ang kaso.

Kapag napatunayang nagkasala, ang kaparusahan sa mga pulis ay suspension, demotion or ang pinakamasakit, dismissal sa serbisyo at pagkakansela ng kanilang mga benepisyo. Naniniwala si Pares na ang affidavit na isinumite ni Patidongan ay malakas na para bigwasan ng administratibong kaso ang mga pulis. “In the affidavit, there were statements that are factual in relation to his participation when it comes to the allegations which served as the basis for the filing of the case,” ang giit ni Pares. “We also have other documents in which we will be attaching to our formal complaint,” ang dagdag pa n’ya. Inihayag naman ni Calinisan na hihintayin nila ang kasagutan ng mga pulis upang mabigyan sila ng due process.

Sinabi ni Calinisan na kapag nakasagot na ang 12 pulis, magkakaroon na ng hearing sa kaso. “Under the rules we can order the preventive suspension of policemen involved. So let us wait first. I don’t want to preempt whatever action­ the Napolcom will take but that is an option that the Napolcom can consider,” ang dagdag pa ni Napolcom vice chair. “As such, this is now a summary dismissal case filed with the Napolcom. hearings will then be conducted by summary hearing officers, and this case will be soon elevated to the Napolcom en banc for its disposition,” giit ni Calinisan. Tiyak natutuwa ang mga pamilya at kamag-anak ng missing sabungeros dahil sa wakas maghahabol na ang mastermind na itinuturo ni Patidongan na si gambling lord Charlie “Atong” Ang.

Natuwa naman si Calinisan sa suporta na ni BBM sa mga ahensiya ng gobyerno na nagtutulungan para malutas ang kaso.“The President’s statement during the SONA strengthens our resolve,” ani Calinisan. “It shows that the administration is fully behind our quest for justice. Mas lalo kaming ginanahan. Hindi kami matatakot. Kahit sino pa ang backer n’yan, kahit ano pa ang ranggo niyan, tatamaan ang dapat tamaan,” dagdag pa niya. Parang dialogue sa pelikula ang mga salita ni Calinisan ah. Sinabi pa ni Calinisan na “no amount of influence, power, or wealth will protect the perpetrators from the rule of law.” Abangan!