College student sa China, na-kick out dahil nakipagrelasyon sa Foreigner!


Umani nang malawakang batikos ang isang uni­bersidad sa China matapos itong maglabas ng anunsyo na may pinatalsik silang babaeng estudyante dahil sa umano’y “hindi angkop na pakikipag-ugnayan sa isang dayuhan na nakasira sa dangal ng bansa.” Ang desisyon ay nagbunsod ng mainit na debate sa social media tungkol sa privacy, gender bias, at nasyonalismo.

Sa isang anunsiyo noong nakaraang linggo, idi­neklara ng Dalian Polytechnic University na pinatalsik nila ang isang estudyanteng babae dahil sa paglabag sa kanilang patakaran. Bagama’t hindi idinetalye ang “hindi angkop na gawain” na naganap noong December 2024, isinapubliko ng unibersidad ang buong pangalan ng estudyante.

Kinuwestiyon ng libu-libong netizens ang karapatan ng unibersidad na pakialaman ang personal na buhay ng estudyante. Marami ang nagsabi na ito ay isang uri ng “misogyny” o pagkamuhi sa kababaihan, at tinanong kung pareho rin ba ang magiging parusa kung lalaki ang estudyanteng nasangkot. Maging ang isang pahayagang pinatatakbo ng Chinese government na The Paper, ay pinuna ang unibersidad sa paglalabas ng pangalan ng estudyante, na sinabing posibleng paglabag ito sa Personal Information Protection Law.

Ang insidente ay sumasalamin sa ilang mas malalaking isyu sa modernong lipunan ng China. Nagpapatuloy ang diskusyon ukol sa hangganan ng personal na kalayaan, awtoridad ng mga institusyon, at ang lumalakas na diwa ng nasyonalismo sa bansa.