Abogado na nagngangalang Mark Zuckerberg, idinemanda si FB founder Mark Zuckerberg!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 15, 2025 | 12:00am

ISANG abogadong ­nagngangalang Mark Zuckerberg mula sa Indiana, U.S.A. ang nagsampa ng pormal na demanda laban sa Meta Platforms Inc. at sa CEO nitong si Mark Zuckerberg.

Ang dahilan ng reklamo ay ang paulit-ulit na pag-disable sa kanyang account sa mga social media platform ng Meta, sa akusasyon ng impersonation.

Ayon sa reklamo, limang beses nang na-disable ang advertising page ng abogadong Zuckerberg sa Facebook at Instagram mula pa noong 2017.

Ang bawat pagbabawal ay may kaakibat na mensaheng “We removed your page because you’re trying to impersonate our founder. Nice try, fake Zuck!” Dahil dito, nawalan umano ang abogado ng humigit-kumulang $11,000 sa ad fees na hindi na na-refund.

Iginiit ng abogado na siya ay mas matagal nang gumagamit ng ­pangalang Mark Zuckerberg at matagal nang nagpapraktis ng bankruptcy law bago pa man naging nakilala ang Facebook founder.

Binanggit din niya ang mga abalang dulot ng pagkakaparehas ng kanilang pangalan, tulad ng pagtanggap ng daan-daang email na para sa CEO. Bukod dito hirap din siya sa paggawa ng restaurant reservations.

Matapos isampa ang demanda at kumalat ang balita, kinilala ng Meta ang sitwasyon at nangakong hahanap ng solusyon.

“We know there are more than one Mark Zuckerberg in the world. We’re working to try to prevent this from happening again,” pahayag ng Meta.