Abueva dinala ng Magnolia sa NorthPort


MANILA, Philippines — Nagtapos ang apat na taon na paglalaro ni Calvin Abueva sa Hotshots.

Ito ay matapos ibigay ng Magnolia ang 37-anyos na si Abueva sa NorthPort kasama si Jerick Balanza at isang second-round pick sa Season 51 draft kapalit ni William Navarro.

Isusuot ng 13-year ve­teran forward, ang No. 2 overall pick ng Alaska noong 2012 PBA Draft kasunod ni June Mar Fajardo, ang uniporme ng Batang Pier sa pagsagupa sa TNT Tropang 5G sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, pupuntiryahin ng Converge ang isang playoff spot sa quarterfinals ng Season 49 PBA Philippine Cup sa pagsagupa sa sibak nang Terrafirma sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Haharapin ng F­iberXers ang Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at Phoenix Fuel Masters sa alas-7:30 ng gabi.

Bumabandera ang Magnolia sa bitbit na 7-1 record kasunod ang San Miguel (6-2), NLEX (6-2), Barangay Ginebra (5-2), TNT Tropang 5G (4-3), Rain or Shine (4-3), Converge (5-4), nagdedepensang Meralco (5-5), Phoenix (2-5), NorthPort (1-6), Terrafirma (1-7) at Blackwater (1-7).

Bagama’t kulelat ang Dyip ay hindi nagkukumpiyansa si FiberXers’ coach Franco Atienza.

“We are preparing for the best Terrafirma could offer. We know naman na medyo mababa sila sa standings, but still they have the materials.

So hindi kami nagpapakumpiyansa,” ani Franco.

Nagmula ang Converge sa 83-88 kabiguan sa NLEX, habang bagsak ang Terrafirma sa pang-pitong sunod na kamalasan sa nalasap na 89-128 kabiguan sa San Miguel sa kanilang mga huling laro.

“Alam namin na hindi magiging madaling game iyon kaya ganoon na lang preparation namin, talagang locked in kami, naka-concentrate kami, naka-focus kami,” dagdag ni Atienza.