Adamson sisimulan na ang kampanya para sa back-to-back title sa SGVIL


MANILA, Philippines — Sasagupain ng nagdedepensang Adamson University ang Emilio Aguinaldo College sa pagsisi­mula ng kanilang misyong back-to-back titles sa 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup ngayon sa La Salle Green Hills gym.

Magtutuos ang Lady Baby Falcons at Lady Brigadiers, magkasama sa Pool A ng Division 1, ngayong alas-9 ng umaga sa five-game schedule sa Court 1.

Limang laban din ang hahataw sa Court 2.

Hangad ng Adamson na maging kauna-unahang back-to-back champion sa pinakama­laking grassroots volleyball league sa bansa na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Muling babanderahan nina Abegail Segui at Lhouriz Tuddao kasama si UAAP Season 87 Rookie of the Year Ellaine Gonzalvo ang Lady Baby Falcons.

Sa likod ni 2024 MVP Shaina Nitura ay kinumpleto ng Adamson ang six-game tournament sweep para pagreynahan ang torneong itinataguyod ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo at Smart.

Hangad naman ng EAC na pagandahin ang kanilang kampanya matapos maglista ng 1-3 record sa nakaraang taon.

Sa Pool E ng Division 2 ay maghaharap ang Assumption College-San Lorenzo at La Salle Green Hills kasunod ang laban ng Domuschola International School at St. Therese College-QC sa Pool F.

Sa Pool C ng Division 1 ay magtutuos ang King’s Montessori School at Arellano University High School at magkikita ang St. John’s Institute-Bacolod at University of Santo Tomas sa Pool D.