February 20, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinagbabaril nang malapitan at napaslang ang isang opisyal ng Puerto Princesa International Airport nang hindi pa nakilalang nag-iisang armadong salarin sa naganap na karahasan sa lungsod sa lalawigan ng Palawan nitong Miyerkules ng hapon.
Sa ulat ni Puerto Princesa City Police P/Chief P/ Col. Cristie Tabi, kinilala ang nasawing biktima na si Joanna Jonson-Infante, dating Acting Manager ng Puerto Princesa City International Airport at ngayon ay kasalukuyang Human Resources Manager ng nasabing paliparan.
Bandang alas-5:28 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Bayview Road, Brgy. San Pedro ng lungsod ng Puerto Princesa sa naturang probinsya.
Sa kuha ng CCTV footage, kasalukuyang naglalakad ang biktima patungo sa simbahan nang bigla na lamang sumulpot ang armadong salarin mula sa likuran ng biktima at agad itong pinaputukan ng sunud-sunod saka mabilis na tumakas ang gunman.
Agad namang isinugod sa ACE Medical Center ng sumaklolong rescue team ang biktima, pero nabigo na itong mailigtas ng mga doktor sanhi ng seryosong kondisyon.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Tabdi ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG ) upang imbestigahan ang kasong ito, matukoy ang motibo ng krimen at masakote ang salarin.
Nabatid na bago ang pamamaril kay Jonson-Infante ay nakatanggap na ito ng sunud-sunod na death threats.
Nanawagan rin ang opisyal sa sinumang may nalalamang impormasyon na makipag-ugnayan sa Puerto Princesa City Police o tumawag sa mga numerong 09985985903 at 09778557732 upang mapabilis ang pagaresto sa gunman.