Alagang kalabaw tinangkang sagipin sa baha, lolo nalunod


Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isang lolo ang namatay matapos na malunod makaraang iligtas ang kanyang alagang kalabaw sa gitna ng pananalasa ng bagyong “Opong” sa Biliran nitong Biyernes ng umaga

Batay sa inisyal na ulat ng Caibiran Municipal Police Station (MPS), wala nang buhay nang matagpuan si alyas “Gogoy”, 68, sa lumubog na sakahan sa Sitio Borin, Villa Vicenta, Caibiran, Biliran.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng road clearing operation kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) nang matagpuan nila ang biktima na nakalutang sa binahang sakahan.

Una dito, bagama’t matindi ang buhos ng ulan na sinasabayan pa ng malakas na hangin dulot ng bagyo, lumabas umano ang biktima mula sa kaniyang barung-barong upang hanapin ang kaniyang kalabaw na binaha. Pero habang naglalakad sa lubog na sakahan ay biglang tumaas pa ang tubig-baha at nalunod ang biktima.

Kinumpirma naman ng Municipal Health Officer (MHO) na lumabas sa pagsusuri na asphyxia ang sanhi ng kamatayan ng biktima.

Nabatid na una nang sinabihan ang biktima na lumikas na sa kaniyang tirahan subalit tumanggi ito, at hindi umano nito iiwanan ang kaniyang kalabaw.