Alas pipiliting makabawi sa Vietnam


MANILA, Philippines — Pipilitin ng Alas Pilipinas na makatsamba sa host Vietnam sa kanilang pagtutuos sa Leg 2 ng 2025 SEA V.League sa Ninh Bình Gymnasium.

Magkikita ang dalawang koponan ngayong alas-8 ng gabi.

Bigo ang mga Pinay sa mga Vietnamese hitters, 13-25, 21-25, 25-23, 9-25, sa Leg 1 kung saan bumida sina Eya Laure, Vanie Gandler, Dell Palomata at Justine Jazareno para maagaw ang third set.

Sasandigan din ng Alas Pilipinas sina Leg 1 Best Outside Spiker awardee Angel Canino, team captain Jia De Guzman, Bella Belen, Shaina Nitura, Leila Cruz, Maddie Madayag, Mars Alba, Fifi Sharma, Thea Gagate, Dawn Ca­tindig at Cla Loresco.

“We are on the way. We are working hard and buil­ding a winning culture,” sabi ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito sa N­ationals na humataw ng bronze medal sa Leg 1 matapos gibain ang Indonesia, 25-20, 25-20, 16-25, 25-13, sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Bukod sa Vietnam ay minalas din ang Alas Pilipinas sa Thailand, 25-17, 24-26, 20-25, 20-25, sa Leg 1.