Alas spikers sasalang sa SEA V.League Leg 1


MANILA, Philippines — Magtutungo ang Alas Pilipinas Women sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Hulyo 29 para sumabak sa SEA V.League Leg 1 na nakatakda sa Agosto 1 hanggang 3.

Inaasahang ilalabas ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito ang final 14-player lineup para sa torneo na gagamitin nila bilang preparasyon sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.

Aminado si de Brito na nahihirapan siyang mamili sa hanay ng mga Alas Pilipinas national pool na kinabibilangan nina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips bukod pa kina Angel Canino, Bella Belen, Shaina Nitura, Eya Laure at Vanie Gandler.

“We’re just trying to make the best combination with the talented ones—the good ones, the experienced ones. It’s good, and as of now, we’re gonna start this,” wika ni de Brito sa panayam ng One Sports.

Ilang tune-up games ang gagawin ng mga Pinay spikers kung saan oobserbahan ng Brazilian Olympic Games coach ang mga tamang kombinasyon na bubuo sa tropang papalo sa SEA V.League Leg 1.

“This lineup is good, but we need to keep improving as a team. It’s a process, and in that process, you have to win yourself every single day,” sabi ni de Brito.

Tagumpay ang naging pagsalang ng Alas Pilipinas sa mga nakaraang AVC Women’s Nations Cup at VTV Cup sa Vietnam.

Sa VTV Cup unang naglaro sina Van Sickle, ang two-time PVL Most Valuable Player, at Phillips ng Petro Gazz para sa Nationals.

“It was just an awesome experience and opportunity to be able to wear the flag on my chest and everything, represent our country,” ani Van Sickle na ang mga ninuno ay tubong San Emilio, Ilocos Sur.