Alex Eala dadayo sa Mexico


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tuloy ang ratsada ni Pinay neter Alex Eala na darayo naman sa Mexico para sumabak sa Guadalajara Open na aarangkada simula ngayong araw.

Matapos ang kam­pany­a nito sa US Open sa Queens, New York, mu­ling sasalang si Eala kung saan makikipagsabayan ito sa matitikas na netters sa mundo sa Mexico.

Unang makakaharap ni Eala sa opening round sa Guadalajara Open si Arianne Hartono ng N­etherlands.

Hawak ni Eala ang No. 2 seed sa torneo kung saan pakay nitong masungkit ang kanyang unang singles crown sa taong ito.

Hindi ito ang unang pag­kakataon na maghaha­rap sina Eala at Hartono.

Tatlong beses na itong nagtagpo at tatlong beses na rin itong tinalo ni Eala.

Una nang nakasagupa ni Eala si Hartono sa semifinals ng Roehampton 2 na ginanap sa England noong Agosto ng taong 2023 kung saan naitarak ng Pinay bet ang 7-6 (4), 2-6, 6-1 panalo para makapasok sa finals.

Muling nanaig si Eala laban sa Dutch player noong Enero sa pamamagitan ng 6-3, 6-3 panalo sa Round of 16 ng Canberra 125 na ginanap sa Australia.

Sa kanilang ikatlong laban, nailista ni Eala ang 6-2, 6-1 panalo laban kay Hartono sa first round ng W100 Bengaluru sa India.