MANILA, Philippines — Umani ng papuri si Alex Eala sa mundo ng tennis matapos ang impresibong ratsada nito sa Miami Open.
Gumawa ng ingay si Eala nang isa isa nitong sibakin ang matitikas na Grand Slam champion para makahirit ng tiket sa semifinls.
Subalit natapos ang magandang ratsada ni Eala nang yumuko ito kay world No. 4 Jessica Pegula ng Amerika sa semis.
Sa kabila ng kabiguan, kitang kita ang ngiti kay Eala kung saan nag-celebrate ito sa court na nakakuha ng malakas na hiyawan mula sa mga nanood.
Mismong si Pegula ang nagsabing mahusay si Eala na tunay na nagpahirap sa kanya.
“She’s really good and competes really well. That was really tough. She takes the ball early, uses the angles well and competes and sees the court,’’ ani Pegula.
Alam nitong malayo ang mararating ni Eala dahil sa magandang inilalaro nito.
Kailangan lang nitong magtuluy-tuloy upang patuloy ring umangat ang puwesto nito sa world rankings.
“Those things are going to take her far … she played super aggressive and it was working,” ani Pegula.
Ilan pa sa mga tinalo ni Eala sina 2017 French Open champ Jelena Ostapenko ng Latvia sa Round-of 64, reigning Australian Open champ Madison Keys ng Amerika sa Round-of-32 at five-time Grand Slam champ Iga Swiatek ng Poland.
Ilalabas ng WTA ang bagong rankings sa susunod na linggo kung saan aangat si Eala sa No. 75 sa world rankings na makatutulong ng husto sa kanyang mga susunod na kampanya.
