September 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hindi na maawat ang paglipad ni Alex Eala sa tennis world.
Bagama’t hindi pa opisyal ay inaasahang maitala ni Eala ang bago niyang career best sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings sakay ng impresibong kampanya sa US Open, Guadalajara Open sa Mexico at kasalukuyang ginaganap na Sao Paulo Open sa Brazil.
Mula sa No. 61 ay tumalon sa No. 55 si Eala sakay ng 7 sunod na panalo at hawak ang 1,083 puntos sa WTA rankings na magiging opisyal pagkatapos ng mga torneo sa susunod na linggo.
Hanggang No. 56 lang ang inabot ni Eala noong nakaraang Hunyo matapos makapasok sa finals ng WTA 250 Eastbourne Open sa England.
Kasalukuyang lalaban as of press time si Eala kontra kay Janice Tjen ng Indonesia, WTA No. 130, sa quarterfinals ng WTA250 Sao Paulo matapos kaldagin sina WTA No. 188 Julia Riera ng Argentina, 6-1, 6-4, sa 77 minutong aksyon lang at si WTA No. 380 Yasmine Mansouri ng France, 6-0, 6-2, sa 70 minutong laban lamang.
Misyon ni Eala na masikwat ang ikalawang sunod niyang WTA title matapos mag-reyna sa WTA125 Guadalajara Open sa Mexico bilang kauna-unahahang Filipino WTA champion sa kasaysayan.
Doon ay sumungkit siya ng 5 sunod na panalo kontra kina No. 187 Arianne Hartono ng Netherlands, 6-2, 6-2, No. 122 Varvara Lepchenko ng United States, 6-7 (3-7), 7-6 (7-3), 6-3, No. 380 Nicole Fossa Huergo ng Italy, 7-6 (7-2), 6-2, No. 418 Kayla Day ng USA, 6-2, 6-3, at No. 134 Panna Udvardy ng Hungary, 1-6, 7-5, 6-3.
