October 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinigilan ng Colegio de San Juan de Letran ang ratsada ng University of Perpetual Help System DALTA, 63-56, sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Tinusok ng Knights ang kanilang ikalawang sunod na panalo para pagandahin ang baraha sa 2-3 matapos ang 0-3 simula sa Group B kasabay ng pagmantsa sa dating malinis na 4-0 record ng Altas sa Group A sa kanilang crossover matchup.
“Siyempre, for the past three games, nakikita natin ‘yung mga downside ng mga plays namin from what went good to what went wrong,” ani coach Allen Ricardo. “So we tried to improve that.”
Iniskor ni Jimboy Estrada ang 17 sa kanyang game-high 23 points sa first half para sa paglayo ng Letran habang nagdagdag si Deo Cuajao ng 16 markers.
Pinamunuan ni Patrick Sleat ang Perpetual sa kanyang 16 points kasunod ang 10 markers ni Mark Gojo Cruz.
Bumida si Estrada sa first half para tulungan ang Knights na itayo ang isang 14-point lead, 30-16, bago idinikit ni Sleat ang Altas sa 53-54 sa huling apat na minuto sa fourth period.
Ang three-point shot ni Cuajao ang muling naglayo sa Letran sa 57-53 sa natitirang 3:25 minuto ng laro na hindi na naputol ng Perpetual.
Sa unang laro, bumira si rookie guard Sean Salvador ng career-best 22 points tampok ang limang triples sa 59-46 panalo ng Jose Rizal University sa San Sebastian College-Recoletos.
May tatlong rebounds, isang steal at isang assist din si Salvador para sa 3-2 record ng Heavy Bombers sa Group B.
Bagsak naman ang Stags sa 1-4 marka.
