September 29, 2025 | 12:00am
ISANG lalaki sa Mexico ang inaakusahan ang kanyang ex-wife at ang plastic surgeon nitong boyfriend na sila ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang 14-anyos na anak na babae.
Ayon sa kanya, sumailalim ang anak sa iba’t ibang plastic surgery procedures, kabilang ang breast implants, nang walang pahintulot niya.
Si Paloma Nicole Arellano Escobedo ay namatay sa isang ospital sa Durango, Mexico, matapos magkaroon ng cerebral edema dahil sa isang respiratory illness. Ngunit iginiit ng kanyang ama, si Carlos Arellano, na ang tunay na sanhi ng kamatayan ay walang kinalaman sa opisyal na ulat.
Inakusahan ni Carlos ang kanyang ex-wife at ang plastic surgeon na kasintahan nito na sila ang sanhi ng pagkamatay ni Paloma dahil sa pagsasagawa ng breast enhancement surgery nang walang pahintulot niya.
Ayon sa Mexican news media, diumano’y sumailalim si Paloma sa ilang procedures, kabilang ang breast augmentation, Brazilian Butt Lift, at liposuction.
Nagdulot ang kasong ito ng galit sa publiko sa Mexico, at naglunsad ang mga awtoridad ng imbestigasyon sa pagkamatay ng teenager.
Sa panayam sa ama, sinabi nito na nakausap niya ang ina ng teenager humigit-kumulang isang linggo bago ang kamatayan nito, at sinabi raw ng ina na pupunta sila sa mga bundok dahil nagpositibo si Paloma sa COVID-19.
Ilang araw pagkatapos, tumawag ang ina upang sabihin na naospital ang anak dahil sa malubhang kondisyon. Sa libing lang niya napansin na may kakaiba sa katawan ng anak.
“Sa libing, sinabi ng ilang kamag-anak na mas malaki ang dibdib niya kaysa dati, at nang banggitin ko ito sa kanyang ina, sinabi niyang hindi ito totoo at wala siyang alam tungkol dito,” sabi ni Carlos. “Sinuri namin ang aking anak, at sigurado nga, may breast implants siya. Mayroon kaming mga litrato ng mga implants at mga peklat.”
Dinala niya ang ebidensya sa pulisya kinabukasan at humiling ng imbestigasyon sa bagay na ito. Kumbinsido siya na ang procedure ay regalo mula sa ina ni Paloma para sa kanyang nalalapit na ika-15 kaarawan at ang nagretoke dito ay ang boyfriend nito na plastic surgeon. Ngayon ay gusto niyang harapin nila ang hustisya.
Bagama’t hindi pa napapatunayan ng imbestigasyon ang anumang paratang ni Carlos Arellano, ang pagkamatay ni Paloma ay naging malaking usapin at kontrobersiya sa buong Mexico. Nakialam na rin sa isyu si Mexican President Claudia Sheinbaum.