MANILA, Philippines — Arestado ang isang 51-anyos na lalaki na akusado sa paulit-ulit na panggagahasa sa sarili niyang menor-de-edad na anak na babae na nauwi sa pagbubuntis nito sa Santa Rosa City, Laguna noong nakaraang taon.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Calabarzon Police Acting Regional Director PBGen. Dominic Baccay na apat na beses umanong ginahasa ng suspek ang kanyang anak sa pagitan ng Mayo at Agosto noong nakaraang taon, nang ang biktima ay nasa edad 11 hanggang 12 taong gulang. Dahil sa pang-aabuso ay nabuntis ang bata at kalaunan ay nanganak.
Ayon pa kay Baccay, nagsumbong lamang ang biktima sa isang barangay midwife matapos umano siyang hindi matulungan ng sarili niyang ina. Mula rito ay inalagaan siya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), na siya ring tumulong sa pagsasampa ng reklamo sa pulisya.
Nakadetine sa custodial facility ng Santa Rosa City Police Station ang suspek, habang nananatili namang nasa pangangalaga ng CSWDO ang biktima at ang kanyang anak.