ISANG 27-anyos na babaing bugaw ang lumantad at ibinulgar ang ginagawang kahalayan ng isang mayor sa Pangasinan. Pinagbabantaan daw siya kaya naisip na niyang magsalita ukol sa mga ginagawa ni mayor.
Ayon sa bugaw, 11 babae ang ibinubugaw niya sa mayor at gumagastos ito ng P500,000 buwan-buwan. Ang masakit, hindi raw mula sa sariling bulsa ni mayor kundi mula sa kaban ng ayuda para sa mga namatayan at iba pang ayuda ng LGU.
Ayon pa sa bugaw, minsa’y tatlong alaga niya ang pinakuha ng playboy na mayor at nag “four-some” sa isang apartment. Ngunit natunugan ng asawa ni mayor kaya sinugod ito. Tumalon si mayor sa bintana para makatakas kay misis. Napilayan si mayor dahil sa pagtalon.
Ang naabutan ni misis ay ang isa sa mga babae na ka-“foursome” ni mayor at dito ibinuhos ang galit.
Kinabukasan, pipilay-pilay na pumasok si mayor sa sa city hall.
Ayon sa bugaw, tuwing Martes at Biyernes ng hapon nagpapakuha ng babae sa kanya si mayor. Minsan umano’y mismong sa opisina pa ni mayor nangyayari ang kahalayan.
Inamin ng bugaw na ang kakapusan ng pagkakakitaan ang dahilan kaya pinasok ang pagbubugaw ng babae kay mayor. Ayon pa sa bugaw, P5,000 ang cut niya sa P15,000 na bayad bawat babaing dinadala kay mayor.
Sa mga ibinulgar ng bugaw na nagagamit ang ayuda para sa pansariling kasiyahan ni mayor, dapat na makaabot na ito sa Ombudsman. Kailangang maimbestigahan kung may katotohanan ang mga ginagawa ni mayor. Pagkakataon na rin para maipagtanggol ni mayor ang sarili kaugnay sa paggamit ng perang laan sa ayuda para sa mamamayan. Dapat malaman ang katotohanan sa isyung ito!
* * *
Para sa komento, i-email sa: [email protected]