February 15, 2026 | 12:00am
ANIM na bote ng beer ang nainom ni John. Si Vince ay nananatiling apat at hindi na niya dadagdagan. Ayaw niyang malasing. Mahirap malasing. Marami na siyang karanasan noon na napasobra ang inom niya, Nagtanda na siya.
Lalong naging matabil ang dila ni John. Nagkuwento nang nagkuwento ng mga lihim ng kanyang buhay. Talagang kapag lasing ang tao nabibisto ang mga itinatago. Hindi na dapat tanungin. Kusang binibigay na ang mga impormasyon.
Gaya ng anak niya. Meron daw siyang anak. Isa. Matagal na raw niyang hindi nakikita ang anak.
“Sinusustentuhan mo naman?” tanong ko.
At napatunayan kong ang taksil ay sinungaling.
“Oo naman hik! Hindi ko pinababayaan. Regular ang sustento ko.”
Hindi na ako nagtanong pa.
Naisip ko ang asawa ni John na si Teresa. Halos umiyak si Teresa sa harap ko nang magkausap kami dahil hindi nagbibigay ng sustento si John. Nasaan ang puso ni John na natiis na hindi sustentuhan ang anak? Anong klaseng ama itong taong kaharap ko. Natitiis ang anak habang nasa isang kandungan. Mayroon naman siyang isusustento dahil maganda ang trabaho. Malaki ang kinikita.
“Hindi ko pinababayaan ang anakh koh hik!” sabi ni John na nabubuhol na ang dila.
Mayroon na akong dahilan para isumbong siya sa asawang si Teresa. Tatawagan ko si Teresa bukas at irereport na narito si John.
“Pareng Vince, inom pah tayoh, hik! Parang hindi ka umiinom hik!” sabi ni John na lalong nabuhol ang dila.
Itutuloy