September 2, 2025 | 12:00am
“’YAN din ang gusto kong mangyari Guava —makita at makausap ang misteryosang dalagita. Pero hindi ko alam kung paano,’’ sabi ni Apol.
“Hindi kaya siya babalik sa inyong street?”
“Wala pang ibinabalita ang may-ari ng sari-sari store na kumuha ng picture ng dalagita. Pero nangako sa akin na kapag bumalik ay ita-try niyang kausapin ang dalagita.”
“Sana makausap niya ang dalagita,” sabi ni Guava.
“’Yan din ang hinihiling ko, Guava.”
Nag-isip nang malalim si Guava.
Maya-maya nagtanong kay Apol.
“Hindi kaya anak ni Papa sa ibang babae ang dalagitang yun, Apol?”
“Mahirap sagutin yan.”
Nag-isip si Guava.
“Ano ba ang pagkakilala mo sa’yong father?”
“Mabait, responsible, mapagmahal na asawa at ama, masipag at iba pang katangian.”
“Kung ganun, hindi mo siya dapat paghinalaan.”
“Naisip ko lang naman ‘yun Apol. Sa totoo lang hindi magagawa ni Papa na sirain ang magandang pagsasama nila ni Mama.”
“’Yun naman pala eh.”
“Masyado na kasi akong nag-iisip kung bakit kamukhang-kamukha ko ang dalagita.”
“Hayaan mo at itatanong ko uli kay Manang na may-ari ng sari-sari store kung nakita niya uli ang dalagita.”
“Kapag nakita mo at nakausap, tawagan mo ako. Gusto ko siyang makita at makausap din. Gusto kong malaman kung bakit kami magkamukha.”
“Sure, Guava!”
Itutuloy