NAKAHINGA nang maluwag si Vince nang lumabas si Margie at sinalubong ng yakap ang lalaki. Tama ang hula ni Vince na ang dumating ay ang asawang OFW ni Margie. Bakit kaya biglang umuwi? May naamoy kaya?
Naipagpasalamat naman ni Vince na walang “kasama” sa loob si Margie. Pero hindi pa rin siya sure. Baka pinagtago lang muna ni Margie sa ilalim ng kama o sa likod ng aparador. Kapag nakalingat ang asawa ay saka lihim na tatalilis.
Sana, wala talaga sa loob ang kalaguyo ni Margie. Kung naroon at nahuli ng mister ni Margie, maaring may mamatay. Huwag sanang mangyari iyon.
Lumipas ang ilang oras at wala namang nangyaring masama sa kabilang bahay. Walang kaguluhan. Walang pag-aaway. Hindi nabisto ang “milagro” ni Margie.
Nang gumabi, wala ring nangyaring masama.
At sa pakiramdam ni Vince, mukhang nagkakasayahan kina Margie. Malakas ang sound ng videoke. Kung hindi nagkakamali si Vince, ang mister ni Margie ang kumakanta. Sa rinig ni Vince, Tagalog song ni Marco Sison ang kinakanta ng mister. Maganda ang boses ni Mister. Ensayado sa Saudi.
Lumayo si Vince sa bintana at inasikaso ang paghahanda ng kanyang pagkain. Kahit nasa kusina, naririnig niya ang pagbi-videoke sa kabilang bahay. Napangiti si Vince. Tama ang sabi ni Margie na mahilig sa alak at pagbi-videoke ang asawa.
Bukas ng umaga, sisikapin ni Vince na makilala ang mister ni Margie. Kailangang may makuha siyang magandang balita.
Itutuloy